Umaasa si Deputy Majority Leader at ACT-CIS Representative Erwin Tulfo na i-retract o bawiin ni Senator Joel Villanueva ang mga binitiwan nitong pahayag patungkol sa pagkakaiba ng district at party-list representatives sa mga senador
Ayon kay Tulfo, posibleng nadala lang ng emosyon ang senador sa mga nabitiwang salita ngunit aminado ito na nasaktan sila.
Nagkausap aniya ang mga miyembro ng party-list coalition sa Kamara kung saan ikinagulat aniya nila ang naging statement ng kapwa mambabatas, lalo na ang kanyang ama ay kasama nila sa koalisyon bilang party-list representative.
Aminado si Tulfo, na nainsulto sila sa naturang pahayag dahil sa binoto rin naman sila ng taumbayan.
Aniya pa, kung titingnan parehas lang na national level ang botohan sa mga senador at party-list.
Nagkataon lang na mas marami ang boto ng mga senador dahil nahati ang boto sa maraming party-list groups.
Hindi pa naman aniya nakausap ng party-list coalition si CIBAC Party-list Rep. Bro Eddie Villanueva hinggil dito.
Noong nakaraang 2022 Elections ang ACT-CIS ang nakakuha ng pinamakalaking boto sa mga party-list na may 2.1 million votes.
Mayroon silang tatlong seats o kinatawan ngayon sa 19th Congress. | ulat ni Kathleen Forbes