Nagkasa ng relief assistance ang tanggapan ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte para sa may 5,000 pamilyang apektado ng pagbaha dulot ng trough ng low pressure area (LPA) sa Davao Region.
Sa pamamagitan ng kaniyang Pulong Pulong ni Pulong (PPP) program na pinangunahan ng kaniyang anak na si Rodrigo “Rigo” Duterte II, namahagi ng limang kilong bigas, canned goods, inumin at iba pang pangangailangan sa mga binahang residente ng Brgy. 19-B, 2-A, 1-A, 10-A, at 9-A.
Nagpadala na rin ng tulong ang mambabatas sa Barangay 8-A, 5-A, Matina Crossing (Gravahan), at Maa kung saan nasa 17,322 na pamilya ang makakabenepisyo.
Ipinag-utos na rin ng Davao solon ang pamamahagi ng nasa 8,000 packs ng bigas sa munisipalidad ng Carmen, Busaon, Tuganay, Sto. Tomas at Panabo City, sa Davao del Norte.
Ayon sa Office of the Civil Defense 11 (OCD-11) pinakamalaking bilang ng apektadong pamilya ay nasa Davao del Norte, partikular sa Carmen-34,000; Davao Oriental-23,000; Davao de Oro-12,000 at Davao City na may higit 8,000. | ulat ni Kathleen Forbes