Nasabat ng port police division ng Philippine Ports Authority ang isang kargamento na naglalaman ng sachet ng marijuana.
Ayon sa inilabas na impormasyon ng PPA, nasamsam sa isang menor de edad na pasahero ang dalawang sachet ng hinihinalang marijuana sa Port of Masbate nitong Miyerkules, Pebrero 7, 2024.
Sasakay sana ang 17-anyos na pasahero patungo sa Pio Duran sa Albay nang makita sa baggage scanner ang hinihinalang marijuana na nakabalot sa plastic ng biscuit.
Agad na rumesponde ang Port Police Division sa koordinasyon ng mga kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Masbate City Police, at City Social Welfare and Development (CSWD).
Kasama din ang ilang kawani ng barangay at City Prosecutor’s Office bilang witness sa imbestigation.
Dinala ang menor de edad at ang nasabat na hinihinalang marijuana sa tanggapan ng Masbate City Police, kasama ang mga kawani ng CSWD.
Sa pamumuno ni PPA General Manager Jay Santiago katuwang ang PDEA, mas pinaigting ang mga hakbang para labanan ang iligal na droga sa mga pantalan sa buong bansa na nasa ilalim ng hurisdiksyon nito, sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement na nilagdaan ng dalawang ahensya noong 2018. | ulat ni Lorenz Tanjoco