Nanindigan si San Juan City Mayor Francis Zamora na walang anomalya sa pamamahagi nila ng tulong sa mga mahihirap na residente ng lungsod.
Ito ang sagot ng alkalde kasunod ng ginawang pagbubunyag ni Sen. JV Ejercito sa kaniyang privilege speech hinggil sa umano’y ayuda scam.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Zamora na nakarating na sa kaniyang tanggapan ang usapin at nanindigan siyang malinis ang kaniyang konsensya.
Kasunod nito, hinikayat naman ni Zamora ang mga tampok sa ipinalabas na video sa Senado na lumantad at makipag-usap upang malinawan sa mga isyung kanilang ibinabato laban sa LGU.
Sa huli, sinabi ng alkalde na bukas ang kaniyang tanggapan para linawin ang usapin lalo’t batid naman niya na pulitika ang nasa likod ng pagpapainit ng naturang isyu. | ulat ni Jaymark Dagala