Panasamantalang itinigil ngayong hapon ang Search, Rescue, and Retrieval operation sa ground zero o landslide site sa Masara, Maco, Davao de Oro matapos muling nagkaroon ng movements o paggalaw ng lupa sa lugar.
Sa isinagawang media briefing ngayong hapon, sinabi ni Incident Command Post Commander Engr. Ferdinand Dobli, alas 2:00 ngayong hapon, nag-abiso sa kanila ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na mayroon silang namo-monitor na ground movement at may posibilidad ng pagguho ng lupa, partikular sa phase ng landslide.
Ayon kay Dobli, upang masiguro ang kaligtasan ng mga responders, mayroon silang mga rock mechanics na nakatutok sa monitoring, kung saan kada-oras ay may kinukuha silang mga drone shots na isasailalim sa analysis upang masuri kung gaano kalaki ang volume ng lupa na posibleng gumuho
Aniya, kung lalabas sa analysis na moderate lang ang risk, patuloy ang kanilang operasyon, ngunit kung advanced risk naman ay ipupull-out ang lahat ng nasa ground at hindi muna papapasukan ang lugar hangga’t may abiso na silang ligtas nang bumalik.
Sa pagsisimula ng kanilang search and retrieval operation bukas, maghihintay muna ang mga responders ng abiso mula sa MGB kung ligtas nang pumasok sa ground zero.| ulat ni Maymay Benedicto| RP1 Davao