Nagpapatuloy ang isinasagawang search and rescue operations para sa nalalabing 44 na empleyado ng APEX mining na na-trap sa landslide na naganap kamakalawa sa Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Exec. Dir. Undersecretary Ariel Nepomuceno, nagtutulong tulong ang mga kinauukulang ahensya upang marekober ang mga biktima alinsunod narin sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ngayon ani Nepomuceno, 19 ang sugatan kung saan 3 indibidwal ang napaulat na nasa kritikal na kondisyon.
Nasa 430 pamilya o katumbas ng 1,590 indibidwal mula sa 3 brgy sa Maco Davao de Oro ang apektado ng landslide, kung saan pansamantalang nanunuluyan ang mga ito sa 5 evacuation centers.
Nakapagtala din ng 62 na totally damaged na mga kabahayan.
Samantala, nakapagbigay na ang pamahalaan ng inisyal na P190M na tulong sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng DSWD.
Sa inisyal na impormasyon, umakyat na sa 7 ang sinasabing nasawi dahil sa nasabing landslide. | ulat ni Leo Sarne