Binigyang-diin ni Office of the Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. na hindi niya kukunsintihin ang anumang anomalya sa decommissioning process ng mga dating mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang pahayag ay ginawa ni Galvez kasunod ng pagreklamo ng tatlong na dekomisyon na MILF members na nagkaroon umano ng anomalya sa pamamahagi ng cash grant, sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace Unification and Reconciliation.
Pinayuhan naman ni Sec. Galvez at ni Senador Jinggoy Estrada ang mga nagreklamo na magsumite ng affidavit kung saan nakadetalye ang kanilang alegasyon para maging basehan ng pormal na imbestigasyon.
Tiniyak pa ni Sec. Galvez na pararatingin niya ang reklamo sa liderato ng MILF.
Sa naturang pagdinig, sinabi naman ni Engineer Mahajirin Ali, MILF Peace Implementing Panel Secretariat, na hindi dapat pinapakialaman ng mga MILF commander ang mga cash grant sa kanilang mga tauhan, at kung meron mang mapatunayan na gumagawa nito, ay papatawan sila ng disciplinary action. | ulat ni Leo Sarne