Nakalatag na ang security measures ng Quezon City Police District para sa tatlong araw na selebrasyon ng Chinese New Year sa lungsod.
Ayon kay QCPD Chief PBGen. Red Maranan, nasa 200 pulis-QC ang itatalaga nito para magbantay sa seguridad sa iba’t ibang aktibidad na gagawin sa lungsod.
Paliwanag nito, ‘extensive’ ang naging security preparation para sa Chinese New Year celebration sa lungsod lalo’t inaasahan ang pagdagsa ng maraming local at foreign tourists.
Pinakamarami aniya ang mga ide-deploy na ground security, mga personnel ng Civil Disturbance Management (CDM) at mga tauhan ng District Reactionary Standby Support Force (DRSSF).
Bukod sa pagbabantay sa seguridad, tutulong din aniya ang QCPD sa pagtitiyak ng traffic management sa Banawe area at karatig lugar nito.
Sa ngayon, wala pa naman aniyang impormasyong natatanggap ang QCPD sa anumang banta sa seguridad sa lungsod sa tatlong araw na Chinese New Year celebration. | ulat ni Merry Ann Bastasa