Nadismaya si Senadora Risa Hontiveros sa naging hatol ng Navotas Regional Trial Court kaugnay ng kaso ng napaslang na 17-year old na binatilyong si Jemboy Baltazar dahil sa mistaken identity.
Sa isang pahayag, sinabi ni Hontiveros na binigo ng Korte si Jemboy at ang pamilya nito dahil wala silang makukuha na closure sa naturang insidente.
Sinabi ng senadora na kahit may isang pulis na nahatulan, lima naman sa mga akusadong pulis ang malayang makakauwi sa kanilang mga tahanan.
Pinunto ni Hontiveros na ang mga kaso ng mistaken identity na nauuwi sa patayan ay nagpapakita lang ng malalim na systematic failure sa pambansang pulisya.
Para sa mambabatas, maituturing na murder ang nangyari kay Jemboy dahil 19 na pulis ang sangkot sa operasyon na armado pa ng matataas na kalibre ng baril.
Hindi aniya dapat mag-move on mula sa kasong ito.
Pinanawagan rin ni Hontiveros ang pagbibigay ng sapat na proteksyon sa pamilya Baltazar para masiguro ang kanilang kaligtasan laban sa anumang banta o ganti.| ulat ni Nimfa Asuncion