Binigyang-diin ni Senador JV Ejercito na hindi dapat madaliin ang pagpapasa ng panukalang amyenda sa economic provision ng Konstitusyon.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments ngayong araw, pinaalala ni Ejercito ang pagiging kumplikado at irreversible nature ng mga pagbabagong isinusulong sa Economic Cha-Cha.
Dapat aniyang pakinggan ng maigi ang mga komento at opinyon ng mga resource person na iniimbitahan ng komite at masusing pag-aralan ang posibleng maging epekto ng amyenda sa economic provision.
Iginiit rin ni Ejercito na masusing pinag-aralan at ipinasa ng Kongreso ang Public Services Act (PSA) para matiyak na magbebenepisyo ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapabuti ng utilities at infrastructure ng Pilipinas.
Sinabi rin ni Ejercito na dapat bigyan ng pagkakataon ang Public-Private Partnership Act na makapagbigay ng magandang resulta para sa bansa bago ikonsidera ang constitutional amendments. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion