Sinabi ni Senate Committee on Migrant Workers Chairperson Senador Raffy Tulfo na dapat pa ring manatili ang deployment ban ng mga manggagawang Pilipino sa Kuwait, hangga’t hindi nabibigyan ng sapat na bayad-danyos ang pamilya ng pinaslang na OFW sa naturang bansa na si Jullebee Ranara.
Ang pahayag na ito ni Tulfo ay kasunod ng pagkatig ng Appellate Court ng Kuwait sa guilty verdict at conviction sa 17-year-old employer ni Ranara na pumaslang sa kanya.
Ayon kay Tulfo, bagamat malaking konsolasyon ang desisyon ng Kuwait Appellate court, hindi pa rin dito nagtatapos ang laban para sa hustisya para kay Ranara.
Dapat aniyang obligahin ang pamilya ng biktima na magbayad para sa danyos, kabilang ang para sa actual at moral damages.
Pinaalalahanan rin ng senador ang national government, na non-negotiable ang pagkakaroon ng mga shelter para sa mga OFW sa Kuwait, at ang regular na monitoring sa mga employer ng ating mga kababayan doon.
Hinikayat rin ng mambabatas ang Department of migrant workers (DMW), na tiyaking ang foreign recruitment agencies ay magkakaroon ng pananagutan at hindi lang ang Philippine recruitment agencies, sakaling magkaroon na naman ng ganitong pangyayari sa ibang bansa na apektado ang OFW. | ulat ni Nimfa Asuncion