Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo na maimbestigahan ang isyu tungkol sa pinaghihinalaang pag-smuggle sa bansa ng dalawang Bugatti Chiron sports car.
Ang Bugatti Chiron ang isa sa pinakamahal na sasakyan sa buong mundo na tinatayang nagkakahalaga ng $3-million.
Sa privilege speech ni Tulfo, tinukoy nito ang may-ari ng mga Bugatti na sina Thu Trang Nguyen at Meng Jun Zhu.
Unang ipinunto ng senador na base sa record ng Bureau of Customs (BOC) ay walang tala na nagbayad ng customs duties ang mga may-ari ng Bugatti.
Kinuwestiyon rin ni Tulfo kung paanong naiparehistro ang mga ito sa Land Transportation Office (LTO) kung hindi nabayaran ang customs duties para sa dalawang sports car.
Taliwas naman sa record ng customs, sa talaan ng LTO ay nakapagbayad umano ng P24.7-million na duties para sa bawat Bugatti,
Pero kung ico-compute aniya ay dapat nasa P207-million ang estimated duties and tax na bayaran sa kada Bugatti.
Dahil dito, tinatayang nasa P336-million ang nawala sa gobyerno.
Pinuna rin ni Tulfo ang pagkakakilanlan ng mga may ari ng Bugatti sports car na ito dahil lumalabas na walang record ang Bureau of Immigration ng entry o exit nila sa Pilipinas.
Agad namang ini-refer sa Senate Blue Ribbon Committee at sa Committee on Ways and Means ang pag-iimbestiga sa kasong ito. | ulat ni Nimfa Asuncion