Isinusulong ni Senadora Risa Hontiveros na maimbestigahan sa Senado ang cyber attack kamakailan na tumarget sa mga ahensya ng gobyerno.
Sa inihaing Senate Resolution 923 ni Hontiveros, pinunto nito ang pahayag ng Department of Information and Communicaitons Technology (DICT) na ang mga hacker ay pinaniniwalaang mula sa China.
Sa naging pahayag ng DICT, binanggit ang tangkang cyber attack sa website ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at tinarget rin ang personal na website ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Giit ng Deputy Minority leader, itong isyu na ito ang dapat na mas pagtuunan ng pansin ng bansa ngayon.
Pinahayag rin ni Hontiveros na baka naka-install na ng mga malware ang mga Chinese hackers sa mga asset ng ating Philippine Coast Guard (PCG).
At kung mangyari aniya ito ay maaaring makompromiso ang resupply missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, seguridad ng ating mga sundalo at interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).| ulat ni Nimfa Asuncion