Inaprubahan ng House Committee on Women and Gender Equality ang substitute bill on “Women Participation and Representation in Political Parties Act.
Sa isinagawang committee hearing, tinalakay ang House Bills 6004 and 9667, na naglalayong i-promote ang gender equality at tiyakin ang patas na partisipasyon ng mga kababaihan sa national legislature.
Layon din nitong tugunan ang gender gap sa healthcare, education at labor force involvement.
Sa inaprubahang substitute bill, minamandato sa political parties na bumuo ng Gender and Development (GAD) agenda at programa alinsunod sa mga polisiya at paniniwala ng partido.
Sa ilalim din ng panukalang batas, aasistihan ng Philippine Commission on Women (PCW) ang political parties para sa kanilang development agenda habang ang Commission on Elections (COMELEC) ay minamandato na isama ito sa GAD agenda, bilang karagdagang requirement for political parties para sila ay ma-accredit.
Samantala sa naturang pagdinig, tinalakay din ang House Bills 6001 and 9835, o ang panukalang “Gender Responsive and Inclusive Public Health Concern and Disaster Management Act.”
Layon ng dalawang panukala, na ipagkaloob ang gender-sensitive at inclusive protocols bilang tugon sa pangangailangan ng mga kababaihan tuwing may public health emergencies, kalamidad at critical health events. | ulat ni Melany Valdoz Reyes