Hinikayat ni Senator Grace Poe ang mga employer na may kakayahan na bigyan ng supplementary allowances at mga benepisyo ang kanilang mga empleyado, para makaagapay sa mataas na presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.
Ayon kay Poe, dagdag tulong ito sa mga manggagawa habang kakapasa pa lang sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ng panukalang P100 legislated wage hike para sa mga empleyado sa pribadong sektor.
Sinabi ng senador, na kung tunay na may malasakit ang mga kumpanya sa kanilang mga empleyado ay hahanap ang mga ito ng paraan para sa kinakailangang adjustment.
Pinunto ni Poe, na ang huling legislated wage increase ay ipinatupad sa Pilipinas 35 taon na ang nakararaan.
Binigyang diin ng mambabatas, na mahalagang isakatuparan ang panukalang ito dahil ang labor force ang backbone ng ekonomiya ng bansa.
At ang pagbibigay ng disenteng living wage sa mga mangaggawa ay makapagbibigay ng disenteng standard of living para sa kanilang pamilya. | ulat ni Nimfa Asuncion