Pinirmahan ngayong araw sa Cebu City ang memorandum of agreement para sa programa ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Budget and Management (DBM) na naglalayong bigyang tugon ang pangangailangan ng sapat at malinis na suplay ng tubig ng nasa 75 local government units sa buong bansa na nasa 4th class hanggang 6th class na munisipalidad.
Ang Support and Assistance Fund to Participatory Budgeting Program (SAFPB) ay may nakalaang Php1 bilyon upang maisakatuparan ang patubig program.
Ayon kay Secretary Amenah Pangandaman, naisip ng DBM na tumulong sa pagsigurong naabot ng maayos na suplay ng tubig ang mga nasa laylayan upang tumaas ang hindi magandang marka ng Pilipinas sa Sustainable Development Goal number 6 o ang masiguro ang sapat ligtas na tubig ay naabot ng lahat.
Ayon naman kay DILG Secretary Benjamin Abalos, Jr., ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng civil society ang pinakamatibay na pundasyon ng proyektong SAFPB dahil kabilang ang sambayanan sa mag-eendorso at monitor ng mga LGU na tatanggap ng proyekto.
Sa susunod na buwan ng Marso at Abril nakatakdang isumite ang mga technical documents upang mailabas na ang pondo buwan ng Mayo at masimulan na ang proyekto sa Hunyo at Hulyo, habang sa buwan ng Disyembre ay kumpleto na ang proyekto.
Kabilang sa makakabenepisyo sa programa ang 7 LGU sa Central Visayas region: ang bayan ng Alburquerque, Bien Unido, Dagohoy, at San Miguel mula sa lalawigan ng Bohol; Tudela, Camotes mula sa Cebu, Zamboanguita mula sa Negros Oriental, at Larena mula sa Siquijor na tatanggap ng P13 milyon bawat LGU.| ulat ni Jessa Agua-Ylanan| RP1 Cebu