Sa pamamagitan ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO), nag-donate ang bansang Taiwan ng US$200,000 o humigit-kumulang ₱11.2-million para suportahan ang nagpapatuloy na disaster relief operations sa Davao Region kasunod ng naranasang pagbaha at pagguho ng lupa noong nakaraang buwan.
Ito ang pangatlong beses na nagbigay ng tulong pinansyal ang TECO para suportahan ang disaster relief sa bansa mula noong taong 2022 na umabot sa US$700,000 o humigit-kumulang ₱39.3-million.
Ayon kay Manila Economic and Cultural Office Chairman Silvestre Bello III, mahahati ang pondo sa mga apektadong lalawigan sa rehiyon.
Matatandaang nakaranas ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa ang ilang bahagi ng Mindanao bunsod ng malakas na pag-ulan dahil sa Northeast Monsoon at trough ng isang Low Pressure Area (LPA) noong nakaraang buwan.
Ayon kay Davao Oriental 1st District Representative Nelson Dayanghirang, malaking tulong ang donasyon upang makabangon ang lalawigan mula sa pagkawasak. | ulat ni Mary Rose Rocero