Ibinunyag ng Department of Information and Communications and Technology (DICT) ang tangkang pag-atake sa website ng ilang ahensya ng gobyerno nitong nakalipas na linggo.
Kabilang dito ang website ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sinabi ni DICT Undersecretary Jeff Ian Dy, kanila namang napigilan ang pagbagsak ng website ng OWWA at natunton ang IP address ng umatake mula sa China Unicom na isang state owned telco ng China.
Bukod dito ay namonitor din ng DICT ang pag-atake sa googleworkspace na Cloud Service Provider ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Sabi pa ni Dy, posibleng tiniktikan ng grupo ang email address at website ng ilang ahensya ng gobyerno matapos kunin ang impormasyon ng mga administrator nito.
Kabilang sa mga posibleng natiktikan ang email address ng Philippine Coast Guard (PCG), Department of Information and Communications and Technology (DICT), Department of Justice (DOJ), at website ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ng DICT na posibleng tatlong grupo ang umatake mga ahensya ng pamahalaan kabilang ang Lonelyisland, Meander at Panda na pinaniniwalaang mga advanced threat group na nag-ooperate ng teritoryo sa China.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng DICT kung sino ang mga nasa likod nito at motibo sa pag-atake.
Tiniyak naman ng DICT na walang nakuhang mga mahalagang impormasyon mula sa gobyerno dahil napigilan ang mga pag-atakeng ito. | ulat ni Rey Ferrer