Unpaid claims ng PhilHealth, ‘di na dapat maulit pa ayon sa isang mambabatas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Umaasa ang isang party-list solon na hindi na mauulit pa ang pagkakaroon ng bilyong pisong halaga ng unpaid claims ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga ospital.

Ayon kay Anakalusugan Party-list Representative Ray Reyes, kailangang pag-aralang mabuti ng PhilHealth kung paano aayusin ang kanilang sistema pagdating sa pagbabayad ng claims.

Matatandaan na sa pulong na ipinatawag ng Kamara nitong Miyerkules, malugod na ibinalita ng state health insurer na nakapagbayad na sila ng P50 billion na halaga ng unpaid claims ng mga ospital at doktor sa huling limang buwan ng 2023.

“Ngayong na-settle na nila ang kanilang mga bayarin sa mga ospital, dapat siguruhin nilang hindi na muling magkaroon ng ganitong aberya para di naaantala ang serbisyong pangkalusugan ng ating mga kababayan,” sabi ni Reyes.

Naniniwala naman si Reyes na marami pang maaaring gawin ang PhilHealth, para makapagbigay ng mas magandang serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino alinsunod sa pagpapatupad ng Universal Healthcare Law.

Kasama dito ang pag-streamline sa validation process, upang maging madali ang pagkuha ng healthcare services ng mga Pilipino gayundin ang pagtataas sa healthcare coverage.

“Dahil sa pagtaas ng PhilHealth premium, umaasa din ang ating mga kababayan ng mas mataas na healthcare coverage. Dapat pagtuunan ito ng pansin ng PhilHealth at ibigay sa bawat Pilipino ang serbisyo na dapat  sa kanila,” dagdag ni Reyes. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us