Halos 14.5% nang kumpleto ang ₱250 milyon na halaga ng soil laboratory facility na itinatayo ng Department of Agrarian Reform sa Prosperidad, Agusan del Sur.
Ayon kay DAR Public Information Service Director Jose Jenil Demorito, ang pasilidad ay may kakayahang suriin ang pisikal, kemikal at biyolohikal na katangian ng lupa gamit ang mga advanced na kagamitan at teknolohiya.
May kakayahan itong magsuri ng 50 hanggang 100 sample ng lupa sa isang araw at mailalabas ang mga resulta ng pagsusuri ng mas mababa sa tatlong araw.
Dagdag ni Demorito, ang soil testing facility ay magagamit din para suriin ang mga pananim, tubig, fertilizer at gas samples.
Sa pamamagitan nito, mabibigyan na ng wastong kaalaman ang Agrarian Reform Beneficiaries sa angkop na pananim sa kanilang mga sakahan at sa dami ng pataba na kailangang ilagay para sa pinakamainam na pag-unlad ng lupang pananim.
Una nang ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella ang pasilidad at personal na namahagi ng mga binhi sa mga Agrarian Reform Beneficiaries sa Agusan del Sur.
Una na ring namahagi si Estrella ng 2,769 na titulo ng lupa sa mga ARB sa Agusan del Sur, Dinagat Islands at Surigao del Norte. | ulat ni Rey Ferrer