Arestado na ng Misamis Occidental Police Provincial Office (PPO) nitong Biyernes, Marso 15, ang dalawa sa tatlong pangunahing suspek na pumaslang sa isang brodkaster na si Juan “DJ Johnny Walker” Jumalon noong Nobyembre 5, 2023 sa Calamba, Misamis Occidental.
Nadakip ang mga ito sa Barangay Poblacion, Sapang Dalaga, sa naturang lalawigan sa pamamagitan ng isinagawang police operation sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder at theft.
Kinilala ang mga suspek na sina Boboy Sagaray Bongcawel alias Boboy, at ang pinsan nitong si Renante Saja Bongcawel alias Inteng.
Ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Usec. Paul M. Gutierrez, tiwala siya na mahuhuli rin ng Special Investigation Task Group (SITG) “Johnny Walker” ang gunman na nakilalang si Julito Mangumpit, alias ‘Ricky,’ ang kumitil sa buhay ni Jumalon.
Matatandaang pinagbabaril habang nagpo-programa at naka-livestream sa Facebook si Jumalon sa loob ng kaniyang pamamahay na nagsilbing radio station ng 94.7 Gold FM Calamba.
Nagpadala ang PTFoMS ng 70,000 na ‘wanted flyers’ ni Mangumpit sa Misamis Occidental PPO upang ipapakalat sa publiko at sa mga pantalan sa buong Mindanao.
Samantala, aabot naman sa ₱3.7 milyon ang reward money mula sa gobyerno sa sinumang makatulong sa paghuli sa mga suspek.| ulat ni Sharif Timhar Habib Majid| RP1 Iligan