Inaresto ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tatlong umano’y scammer na nagpanggap na konektado kay First Lady Liza Araneta Marcos para mag-extort ng pera mula sa complainant.
Nahuli si alias “Isko,” at dalawang kasama nitong sina alias “Joselito,” at isang Marine na si alias “German,” sa entrapment operation sa Bluebay Walk, Metropolitan Park Building, Diosdado Macapagal Boulevard, Pasay City nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Romeo Caramat, ikinasa ang operasyon base sa reklamo ng biktima laban kay alyas “Isko,” na nanghihingi umano sa kanya ng ₱5-milyong piso kapalit ng proteksyon sa Land Transportation Office (LTO) para sa kanyang Emissions Testing and Medical business.
Nagbanta pa umano si alyas “Isko” na konektado siya sa Unang Ginang at kung hindi magbabayad, ay ipapakansela nito ang lahat ng transaksyon sa negosyo ng biktima.
Ang mga arestadong suspek ay sinampahan ng kasong Robbery Extortion sa City Prosecutor’s Office ng Pasay City. | ulat ni Leo Sarne
📸: CIDG