Hinikayat ni PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) Director PMaj. General Sydney Sultan Hernia ang publiko na gamitin ang kanilang “virtual helpline” sa iba’t ibang social media platform para isumbong ang mga insidente ng pang-aabuso online.
Ayon kay MGen. Hernia, nilikha ng ACG Women and Children Cybercime Protection Unit (WCCPU) noong 2023 ang kanilang virtual helpline na “Aleng Pulis with the cyber squad” para pagsumbungan ng mga problema na may kinalaman sa women and children’s safety, protection, at empowerment.
Sa ngayon aniya ang top 5 na reklamong natanggap ng ACG sa pamamagitan nito ay: 1. Cyberlibel (20%); 2. Sextortion (19%); 3. Debt Collection Harassment (17%); 4. Online Data Hacking (12%); at 5. Internet Crimes Against Children (8%).
Ayon kay MGen. Hernia ang pakikipag-ugnayan sa ACG sa pamamagitan ng kanilang “virtual hotline” ang unang hakbang para mabigyan ng tulong ang mga biktima ng online na pang-aabuso.
Tiniyak ni MGen. Hernia na ang “AlengPulis” ay striktong sumusunod sa mga polisiya ng PNP na nagbibigay ng prayoridad sa kaligtasan at “privacy” ng mga biktima. | ulat ni Leo Sarne