Mahalagang maghanda ang mga mamamayan, kasabay ng pahahanda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa anumang panloob at panlabas na banta.
Ito ang inihayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa isang kalatas kaugnay ng resulta ng OCTA Research Survey kung saan lumabas na 77 porsyento ng mga Pilipinong nasa wastong edad ang handang lumaban para sa bansa.
Ayon sa AFP chief, maraming paraan para maghanda, kabilang ang pakikilahok sa Reserve Officer Training Course (ROTC) o pagsali sa Reserve Corps; at sa pagiging bihasa sa propesyon na maaring mapakinabangan sa panahon ng “emergency” katulad medisina at engineering.
Maari din aniyang mag-ambag ng mga kagamitan ang mga indibidwal at organisasyon na makakatulong sa depensa ng bansa; o tumulong sa pagpapalaganap ng impormasyon sa buong mundo tungkol sa iligal, mapanakot, at agresibong taktika ng ibang bansa laban sa Pilipinas.
Ayon sa AFP chief, maraming paraan para makatulong sa pagtatanggol ng bansa na hindi kinakailangang makipaglaban, at dapat maghanda ang lahat ng Pilipino sa panahon na kakailanganin ang kanilang serbisyo. | ulat ni Leo Sarne