Para sa mas ligtas at payapang paggunita ng Semana Santa, ipinag-utos na ni Caloocan Mayor Along Malapitan ang muling maglalagay ng istasyon sa iba’t ibang bahagi ng lungsod para alalayan ang mga pasahero at mga makikiisa sa iba’t ibang aktibidad ngayong Holy Week.
Ayon sa alkalde, may ipupwestong mga ‘Alalay sa Manlalakbay’ rescue units sa siyam na lugar sa North at South Caloocan kabilang na ang mga kalsada at sakayan.
Nakalagay na rin maging ang numero ng mga kawani na inatasan para pangunahan ang operasyong Alalay sa Manlalakbay, para sa mga katanungan at iba pang pangangailangan ng publiko.
Sa oras naman ng emergency at pangangailangan ng agarang tulong at responde, pinapayuhan ang publiko na tumawag sa hotline ng LGU na 888-ALONG(25664). | ulat ni Merry Ann Bastasa