Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyon ng China na pinapataas ng Pilipinas ang tensyon sa West Philippine Sea.
Sa pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, binigyang diin ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad na alinsunod sa international law ang lahat ng kanilang operasyon sa WPS para panatilihin ang kanilang presensya sa lugar.
Hindi aniya magpapapigil ang AFP sa pagganap ng kanilang misyon sa gitna ng mga iligal at agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard at Maritime Militia.
Kung tutuusin aniya, ginagawa din ng China ang pangha-harass sa ibang mga bansa na nag-ooperate sa WPS, katulad ng US at Japan, at mga claimant countries.
Giit ni Trinidad, hindi maaaring hayaan ang iisang bansa lang ang kumontrol sa international sea lanes, at dapat itong manatiling bukas sa lahat ng bansa. | ulat ni Leo Sarne