Sa pamamagitan ng viva voce voting ay pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 8210 o Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program.
Ang ARAL Program ang magiging national academic intervention program ng pamahalaan para mapalakas pa ang ating edukasyon.
Sa kanyang sponsorship speech, tinukoy ni House Committee on Basic Education and Culture Chair Roman Romulo ang mga nakalipas na resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) at iba pang pag-aaral na nagpapakita ng kasalukuyang estado at mga hamon sa sektor ng edukasyon sa Pilipinas.
Mas lalo pa aniya ito pinalala ng COVID-19 pandemic.
Kaya naman sa pamamagitan ng ARAL program, ay umaasa ang mambabatas na matugunan ang “learning loss” gayundin ay makamit ang “most essential learning competencies” lalo na sa reading, science at mathematics.
Kabilang sa mga target matulungan ng ARAL ay ang mga bumabagsak sa exams at test; may mga grado na “marginally above” ng minimum level of mastery ng Most Essential Learning Competencies (MELCs), at mga nagbabalik sa pag aaral matapos huminto. | ulat ni Kathleen Jean Forbes