Nilahukan ni Department of National Defense (DND) Undersecretary Irineo Espino bilang kinatawan ni DND Secretary Gilbert Teodoro, ang ASEAN Defense Ministers’ Meeting (ADMM) Retreat sa Luang Prabang, Lao PDR.
Nakasama ni Usec. Espino sa pagpupulong noong Marso 5 na pinangunahan ng ASEAN Deputy Secretary-General, ang mga Defense Minister ng siyam na iba pang bansang ASEAN, at ang kinatawan ng Timor Leste, bilang observer.
Ang pagpupulong ay naging pagkakataon para mapalakas ang kolektibong pagsisikap ng mga bansang ASEAN, na tugunan ang mga hamon at banta sa kapayapaan, seguridad at katatagan ng rehiyon.
Sa panig ng Pilipinas, nanawagan si Usec. Espino sa mga bansang ASEAN na itakwil ang pagtatangka na palabasin ang rehiyon bilang isang “arena” lang para sa tungalian ng mga “Major power”.
Sa sidelines ng ADMM, kapwa din tiniyak kay Usec. Espino ni General Chansamone Chanyalath, Deputy Prime Minister at Minister of Defense ng Lao PDR; at Senior Lieutenant General Nguyen Tan Cuong, Chief of General Staff ng Vietnam People’s Army at Vice Minister of National Defense of Vietnam, ang kanilang commitment na palakasin ang ugnayang pandepensa ng kanilang mga bansa sa Pilipinas.| ulat ni Leo Sarne