Patuloy na dumadaing ang ilang nagtitinda ng baboy dito sa Muñoz Market dahil sa matumal na bentahan nito.
Ayon kay Mang Jun, bagamat sa pagpasok ng linggong ito ay walang nadagdag sa presyo ng baboy, ay hindi gaanung tinatangkilik ng mga mamimili ang pagbili ng baboy dahil sa mataas pa rin ang presyo nito.
Sa ngayon, naglalaro sa ₱330-₱340 ang kada kilo ng Kasim, ₱370-₱380 sa kada kilo ng liempo na halos kapresyo na ng baka habang ₱320 naman para sa buto-buto.
Karamihan daw ng mga mamimili ngayon, pakonti-konti na lang ang binibili o pangsahog na lang sa gulay.
Kaya naman, maging sa pwesto ni Mang Jun, nagbawas na rin sila ng hinahangong karne.
Sa tala ng Bantay Presyo ng DA, nasa ₱340-₱410 ang average na bentahan ng kada kilo ng liempo sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Una nang tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na pinaiigting na nito ang hakbang para masuportahan ang hog industry at matugunan ang problema sa African Swine Fever (ASF). | ulat ni Merry Ann Bastasa