Nanganganib na mauwi sa negotiated procurement ang pagkuha ng kumpanya para sa sistemang gagamitin sa kauna-unahang internet voting ng Overseas Filipinos para sa 2025 midterm elections.
Sa ikalawang round ng pre-bid conference ngayong araw para sa online voting and counting system na gagamitin sa overseas voting, may mga dumating naman na kinatawan mula sa iba’t ibang kumpanya pero walang bumili ng bid documents.
Matatandaang nagdeklara ng failure of bidding ang Comelec noong Pebrero matapos ideklarang ‘ineligible to bid’ ang dalawang bidder.
Ayon kay Dir. Allen Abaya, Head ng Special Bids and Awards Committee, may hanggang Marso 21 pa naman ang mga interesadong kumpanya para bumili ng bid documents.
Kung mangyari ito na wala pa ring magiging kwalipikadong bidder, may opsyon pa naman ang Comelec at maaaring idaan sa negotiated bidding.
Para sa sistemang gagamitin sa overseas internet voting, nasa P465.8 milyon ang inilaang pondo ng Comelec. | ulat ni Michael Rogas