Ipinanawagan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa mga mananampalataya na pag-ingatan ang mga natatanging biyaya ng lalawigan matapos masangkot sa kotrobersya ang isang resort na itinayo sa sikat na Chocolate Hills.
Sinabi rin ng Obispo partikular sa mga Boholano na dapat bigyang pahalaga ang kanilang mga landmark, kasama na ang mga malinis na mga dalampasigan at mga luma nitong simbahan.
Binigyang diin din ng Obispo ang importansya ng pagbibigay halaga at pagpapanatili sa mga kayamanang ito.
Itinutulak din ni Bishop Uy ang proaktibong hakbang para sa pangangalaga ng kalikasan tulad ng mga conservation efforts at sustainable practices.
Ang naging pahayag ng Obispo ay kasunod ng nag-viral na video kung saan ipinapakita ang isang resort na kinilala sa pangalang Captain’s Peak Resort na itinayo sa loob ng protected area ng Chocolate Hills na nagresulta upang magsagawa ng mga imbestigasyon at inquiries ang kapwa Senado at Kamara.
May ginawa na ring task force ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa sinasabing pagtatayo ng ilegal na resort.
Kilala ang Chocolate Hills sa Bohol dahil sa natatanging rock formation nito na nabuo milyon-milyong taon na ang nakararaan. Ilang pagkilala na rin ang natanggap nito sa nagdaang panahon magmula noong 1988 kung saan kinilala ito ng UNESCO National Geological Monument at National Geographic noong 2016 dahil sa natatangi nitong ganda.| ulat ni EJ Lazaro