Inatasan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. si PNP Directorate for Operations (DO) Director PMaj. Gen. Ronald Lee na bumuo ng mga guidelines sa ilulunsad na “crackdown” sa ilegal na pagbebenta ng vape products sa mga menor de edad.
Ito’y matapos na humingi ng tulong sa PNP si Department of Health Secretary Teodoro Herbosa para masiguro na walang access sa e-cigarettes ang mga menor de edad, sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng sakit sa baga sa mga teenager.
Ayon kay Gen. Acorda, ang mga guidelines ay para masiguro na strikto at uniporme ang pagpapatupad ng PNP sa Republic Act 11900, na nagbabawal sa pagbebenta ng vape products sa mga menor de edad.
Kasama sa guidelines ang pag-aresto sa mga lumalabag sa naturang batas.
Bukod sa mga hakbang laban sa mga nagbebenta ng vape products sa kabataan, sinabi ni Gen. Acorda na magpapatupad din ng information campaign ang PNP para ipaalam sa publiko ang masamang epekto ng vaping. | ulat ni Leo Sarne