Aabot sa P1.5 million halaga ng makinarya ang ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa mga magsasaka sa Camarines Sur.
Nasa 84 na magsasaka mula sa Awayan Libmanan Agrarian Reform Beneficiaries Organization o ALARBO ang makikinabang sa tulong na inilaan ng ahensya.
Kabilang sa ipinamahagi ang 35 horse power combine harvester na may trailer at isang compact rice mill na may polisher.
Ayon kay Agrarian Reform Program Officer Carlo Palaypayon, ang mga makinarya ang magpapalakas ng ani at pagbebenta ng mataas na kalidad ng bigas sa sektor ng agrikultura.
Bukod pa dito, bibigyan din ang organisasyon ng P100,000 halaga ng farming inputs trading para sa pagsisimula ng kanilang negosyo.
Layon ng hakbang na maiangat ang pamumuhay at madagdagan ang kita ng mga magsasaka sa bawat rehiyon sa bansa. | ulat ni Rey Ferrer