Umaapila ang mga siklista sa Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong na dalasan ang ginagawang operasyon lalo na sa malalapit sa mga palengke.
Ito’y dahil sa hindi na mapakinabangan ng mga siklista ang designated bike lane sa kahabaan ng New Panaderos sa Kalentong Public Market sa Mandaluyong City.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, kapansin-pansing okupado na ng ilang nagtitinda ang bangketa na lumabas na sa bike lane gayundin ay ginagawa na itong paradahan ng mga tricycle at iba pang e-vehicle.
Bagaman nauunawaan naman ng mga siklista ang pangangailangan na magbaba at magkarga ng mga kalakal, subalit hindi ito dapat magtagal na aabot na sa punto na nagiging parking area na ito.
Dahil dito, nakikipagsabayan na ang mga siklista sa iba pang mga sasakyan na lubhang delikado para sa kanila.
May nakapaskil namang “NO VENDORS ALLOWED” sa naturang lugar subalit hindi na ito alintana ng iba pang mga nagtitinda ng kanilang mga produkto.
Kaya naman, bawas na ang espasyo sa kalsada na nagreresulta naman sa pagbigat ng daloy ng trapiko lalo na tuwing madaling araw. | ulat ni Jaymark Dagala