Bumisita si Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos sa Bohol, ngayong araw.
Ito ay upang tingnan ang konstruksyon ng pool resort ng Captain’s Peak Garden and Resort na itinayo sa gitna ng Chocolate Hills.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Secretary Abalos na bumuo ang DILG ng Bohol Task Force upang imbestigahan ang issue sa pagtatayo ng pool resort sa isang protected area.
Aniya, lumalabas sa initial na imbestigasyon ng Bohol Task Force na nabigyan ng building permit ang Captain’s Peak, pero walang Environmental Compliance Certificate (ECC).
Bagamat mayroong resolusyon na ipinakita na inaprubahan ng Protected Area Management Board (PAMB) noong 2018 ang pag-operate sa naturang resort kahit wala pang ECC.
Sa ngayon, ani Abalos, magpapatuloy ang imbestigasyon ng Bohol Task Force at isusumite ang resulta nito sa Ombudsman.
Inatasan na rin ang mga regional office ng DILG upang ilista ang mga tourism spot na ikinokonsiderang protected area.
Makikipag-ugnayan din ang DILG sa Department of Environment and Natural Resources upang maresolba ang mga issue. | ulat ni Diane Lear