Tiwala ang Department of Migrant Workers (DMW) na magiging matagumpay ang nagpapatuloy na retrieval operations sa tatlong crew members ng cargo vessel na “True Confidence” matapos ang naging pag-atake ng Houti rebels sa Gulf of Aden kamakailan.
Ayon kay DMW Officer-In-Charge, Undersecretary Hans Leo Cacdac, dalawa kasi sa tatlong crew members ng naturang barko ay pawang mga Pilipino na hinihintay na ng kanilang mga kamag-anakan dito sa Pilipinas.
Ngayong araw, sasalubungin ni Cacdac ang 11 Pilipinong tripolante ng naturang cargo vessel na nakaligtas sa naging pag-atake habang binabagtas ang Gulf of Aden noong March 6.
Ani Cacdac, 10 sa mga Pilipinong uuwi ngayong araw ay walang tinamong galos habang ang ika-11 naman ay nagtamo ng minor injuries habang nagsasagawa ng emergency evacuation subalit binigyan din ng “fit to travel” kalaunan.
Gayunman, sinabi ni Cacdac na mayroon pang dalawang Pilipinong nagpapagaling pa rin sa ospital ng Djibouti City at hinihintay na lamang ang clearance mula sa kanilang mga doktor.
Alas-6:15 mamayang gabi, inaasahang lalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang eroplanong lulan ang 11 Pilipinong Tripolante kung saan, makatatanggap sila ng kaukulang tulong mula sa Pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala