Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na pinag-aaralan pa nila sa ngayon ang tuluyang pag-ban sa pag-deploy ng mga seafarer na ang barko ay dadaan sa mga high-risk gaya ng Red Sea at Gulf of Aden.
Kasunod ito ng nangyaring missile attack ng Houti rebels sa barkong True Confidence sa Gulf Aden.
Sa isang panayam, sinabi ni Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac na kailangang mahigpit na pag-aralan dahil magkakaroon aniya ito ng malaking epekto sa mga nais na magtrabaho sa barko.
Ang tanging umiiral lang aniya sa ngayon ang pagbibigay ng kalayaan at karapatan sa mga seafarer na sila ay maaaring tumanggi, umuwi at sasagutin ng kumpanya ang lahat ng gastos, at sahod na katumbas na dalawang buwan at iba pang benepisyo.
Patuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga ship-owner kaugnay sa usaping ito.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ani Cacdac ang salvaging operations sa barkong True Confidence para makuha ang labi ng dalawang nasawing Pilipino. | ulat ni Diane Lear