Ikinatuwa ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang pagpapahalagang ipinaabot ng Lokal na Pamahalaan ng Oriental Mindoro sa DSWD.
Dumalo si Gatchalian sa paggunita sa unang taong anibersaryo ng oil spill sa Oriental Mindoro, na isinagawa kahapon.
Kasama din ni Secretary Gatchalian na nagtungo sa lalawigan si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Maria Antonia Loyzaga at DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Diana Rose Cajipe.
Pinasalamatan ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor ang DSWD sa patuloy na pagbibigay ng humanitarian aid tulad ng food and non-food relief supplies, cash-for work, Assistance to Individuals in Crisis Situation at Emergency Cash Transfer, bukod sa iba pa.
Batay sa ulat, nasa 19,900 na mga pamilya o 99,000 indibidwal sa Oriental Mindoro ang naapektuhan ng oil spill nang lumubog ang MT Princess noong Pebrero 28, 2023.
Kamakailan ay inalis na ang state of calamity sa Pola, Oriental Mindoro. | ulat ni Rey Ferrer