Nag-deploy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 17 social worker at development worker sa Agusan del Norte para tutukan ang kapakanan ng mga kabataang nakaranas ng emotional toll bunsod ng nangyaring kaguluhan sa lugar kamakailan.
Ayon sa DSWD, agad na nagsagawa ang mga social worker ng Psychological First Aid (PFA) sessions sa 332 na mga estudyante ng Doña Telesfora Elementary School (DOTES).
Malapit sa eskwelahang ito naganap ang isang engkwentro kamakailan sa pagitan ng New People’s Army (NPA) at Philippine Army (PA).
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, layon ng hakbang na matulungan ang mga kabataang maiproseso ang kanilang naranasang traumatic experience bunsod ng armed conflict.
“The psychosocial first aiders brought the commitment of the DSWD to addressing the needs of the students who are recovering from the traumatic experience due to the conflict,” paliwanag ni Asec. Lopez.
Batay naman sa assessment ng DSWD, natukoy na wala namang anumang senyales ng ‘extreme stress’ sa mga kabataan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Asec. Lopez na mananatiling nakatutok ang kagawaran sa pagtugon sa pangangailangan ng mga indibidwal lalo ng mga kabataan sa conflict-affected at vulnerable areas. | ulat ni Merry Ann Bastasa
#RP1News
#BagongPilipinas