Mas matitiyak pa ngayon ang mas matatag na suporta ng mga local government unit (LGU) at mas maayos na implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Lambak-Cagayan.
Ito ay makaraang ilunsad ng DSWD Region 2 ang Tulong Angkop sa PAnTawid o TAPAT validation, na isang functionality assessment tool na magagamit para suriin ang performance ng LGUs sa buong rehiyon sa pagpapatupad sa naturang programa.
Sa pilot phase, lahat ng 87 munisipalidad at siyudad sa mga probinsiya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino ang nakiisa, kung saan inalam ang kapasidad at performance ng mga ito sa pagsuporta sa 4Ps initiatives.
Mayroon itong 10 indicators na susukat sa pagtalima ng mga LGU sa kanilang mga papel at responsibilidad na nakasaad sa pinirmahang Memorandum of Agreements o Specific Implementation Agreements, at ng mga nailabas na Executive Order.
Kabilang sa evaluation areas ang administrative support sa programa, program implementation support, at logistical support.
Dito ay binigyang-diin ni Regional Director Lucia Alan na sa pagpapatupad ng TAPAT, tutulungan nila ang LGUs para mapabuti pa ang suporta ng mga ito sa 4Ps implementation, at magiging mas maayos ang service delivery sa mga benepisyaryo. | ulat ni April Racho, Radyo Pilipinas Tuguegarao
📷 DSWD Region 2