Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang distribusyon ng livelihood settlement grant sa 682 indibidwal sa San Fernando City, La Union ngayong araw, Marso 15, 2024.
Ang pondong ipinagkaloob ay nagmula sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD.
Ang mga benepisyaryo ay ang mga vendor na apektado sa pagkasunog ng Auxiliary Wet Market ng San Fernando City, La Union noong Enero 11, 2024.
Ayon sa DSWD Field Office 1, kabuuang P7.4 million ang halaga ng tulong na ipinagkaloob sa mga benepisyaryo.
Sa mensahe ni Sec. Gatchalian, inihayag nito ang layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na maramdaman ng mga mamamayan ang pagmamalasakit ng pamahalaan sa panahon ng pangangailangan.
Tiniyak nito, na naiintindihan ng pamahalaan ang hirap na dinanas ng mga negosyanteng nasunugan ng paninda at pwesto kaya inaasahang magkakaloob pa ang ahensiya ng iba pang tulong sa mga benepisyaryo sa mga susunod na araw. | Ulat ni Glenda B. Sarac, Radyo Pilipinas Agoo