Eksakto 4:48 ng madaling araw, March 12, sa Pilipinas, lumapag sa Berlin Brandenburg International Airport ang PR 001 o ang eroplanong sinasakyan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa tatlong araw na working visit sa Berlin, Germany.
Tumagal ng higit 13 oras, ang naging biyahe ng Pangulo, mula nang lumipad ang PR 001 pasado alas-3 ng hapon sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Ang working visit ng Pangulo sa Berlin ay bilang tugon sa imbitasyon ni German Chancellor Olaf Scholz.
Ngayong Martes, sinalubong si Pangulong Marcos ng mga matataas na opisyal ng Berlin.
Sa pagbisitang ito, ilan lamang sa mga inaasahang maisasakatuparan ay ang pakikipagpulong ng Pangulo sa matataas na opisyal ng Germany; Pagdalo ng Pangulo sa kaliwa’t kanang business meeting; at paglagda sa mga governement-to-government agreement, kabilang ang Joint Declaration of Intent para sa pagpapatatag ng kooperasyon sa maritime sector.
Inaasahang malalagdaan ang cooperation program sa pagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng Pilipinas at ng German Federal Institute for Vocational Education and Training, (BIBB).
Matapos nito, sa March 13, tatawid ng Prague, Czech Republic ang Pangulo para State Visit, bilang pagtugon sa imbitasyon ni Czech President Petr Pavel. | ulat ni Racquel Bayan