Binigyang papuri ni Department of Finance Secretary Ralph Recto ang pagkakalagda ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Public-Private Partnership (PPP) Code na sinasabing magbubukas ng maraming investments na lubhang pakikinabangan ng mga Pilipino.
Ayon kay Sec. Recto, sa paglabas ng IRR ng PPP Code, bubuksan nito ang floodgates para sa tuloy-tuloy na pasok ng mga strategic investment na magreresulta ng mga top-tier infrastructure at public services sa ating mga kababayan.
Dagdag pa ng Kalihim, sa pamamagitan ng PPP Code ay mapagsasanib nito ang kapwa kakayahan ng pamahalaan at pribadong sektor pagdating sa pag-deliver ng cost-effective na mga proyektong pang-imprastruktura at serbisyo para sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pinasalamatan din ni Recto ang mga mabusising bumuo ng IRR na binigyang pahalaga ang mga alalahanin ng mga investors at alinsunod sa mga global best practice.
Nilagdaan noong ika-5 ng Disyembre 2023 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., layunin ng PPP Code na mapalakas at mai-institutionalize ang mga Public-Private Partnership sa bansa.
Sumusuporta rin ito sa layunin ng Administrasyong Marcos upang punan ang ilang kakulangan sa infrastructure funding upang palakasin ang economic development ng Pilipinas.
Kabilang sa mga lumagda para sa IRR ng PPP Code ay sina IRR Commitee Chaiperson at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan; IRR Committee Vice Chairperson and DOF Secretary Recto; Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman; Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla; Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual; Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr.; Commission on Higher Education (CHED) Chairperson J. Prospero De Vera III; PPP Center Executive Director Ma. Cynthia Hernandez; at private sector representative na si Mr. Ferdinand Tolentino.
Magiging epektibo ang nasabing IRR 15 araw matapos ang publication nito na nagsimula kahapon, March, 22, 2024.| ulat ni EJ Lazaro