Patuloy ang pagbaba ng mga krimeng naitatala ng Quezon City Police District (QCPD) sa lungsod.
Batay sa datos ng QCPD, bumaba pa sa 54.05% ang walong focus crimes sa Quezon City mula February 26 – March 3, 2024.
Kabilang sa 8 Focus Crime ang theft, rape, physical injury, murder, carnapping ng motorsiklo, carnapping ng motor vehicle, robbery, at homicide.
Ayon sa QCPD, sa nakalipas na linggo ay walang anumang naitalang krimen sa limang istasyon ng pulis sa lungsod kabilang ang Novaliches Police Station 4, Batasan Police Station 6, Project 4 Police Station 8, Anonas Police Station 9, at Payatas Bagong Silangan Police Station 13.
Nasa 20 insidente lang aniya ang naitala ng QCPD kung saan ang mga suspek ay arestado na o punterya na ng manhut operation. Aabot din sa 100% ang filing rate sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Dagdag pa ng QCPD, umabot sa 100% ang crime clearance efficiency (CCE) sa lungsod habang 88.24% naman ang crime solution efficiency (CSE).
Ayon kay QCPD Chief Police Brigadier General Redrico Maranan, ang mababang crime rate sa lungsod ay bunsod ng dedikasyon ng mga pulis QC na mapanatili ang kaligtasan at kapayapaan sa bawat komunidad.
Nakatulong din rito ang pinaigting na kampanya kontra kriminalidad at pati na ang mga community engagement initiatives na ipinatutupad ng QCPD.
“I commend the exemplary performance of the five QCPD police stations for their commitment in maintaining law and order within their respective jurisdictions. Your diligent efforts have significantly contributed to the overall decrease in crime rates in Quezon City,” pahayag ni Brig. Gen. Maranan.
“At para sa iba pang mga bahagi ng ating nasasakupan, patuloy nating paiigtingin ang ating kampanya laban sa lahat ng uri ng krimen upang masiguro ang ganap na pagkakaroon ng zero cases sa ating lungsod,” dagdag pa ni Maranan. | ulat ni Merry Ann Bastasa
#RP1News
#BagongPilipinas