Inatasan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang lahat ng unit ng militar na buwagin ang lahat ng natitirang napahinang NPA Guerilla Fronts bago mag Marso 31 ng taong kasalukuyan.
Ito ang inihayag ni Gen. Brawner sa kanyang mensahe sa pagluklok sa pwesto ng bagong Commander ng Southern Luzon Command (SOLCOM) nitong Sabado sa Lucena City.
Bukod dito, itinakda din ni Gen. Brawner ang katapusan ng Hunyo bilang deadline para mabuwag ang lahat ng “vertical unit” ng NPA.
Habang binigyan naman ni Gen. Brawner ng hanggang katapusan ng taon ang AFP para tuluyan nang wakasan ang lahat ng Regional at Sub-regional Party Committees ng NPA.
Una nang sinabi ng AFP Chief na target ng militar na tuldukan na ang insurhensya sa taong ito para makapagbago na ng prioridad mula sa panloob na seguridad tungo sa panlabas na depensa. | ulat ni Leo Sarne