Katuwang ang European Union (EU), isang programa ang inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para matugunan ang patuloy na hamon ng environmental degradation at climate change.
Tinawag ang programang “Green Economy Programme for the Philippines” (GEPP) na layong mapabilis ang pag-transition ng bansa sa isang greener at sustainable economy.
Punto ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, sa pagsusulong ng “Green Economy”, hindi lang mapapangalagaan ang kalikasan kundi mapapatatag rin ang global competitiveness ng bansa.
Dagdag na trabaho rin aniya ang maihahatid ng green economy mula sa renewable energy at sustainable agriculture at eco-tourism.
Nakadisenyo ang GEPP mula 2023 hanggang 2028 na popondohan ng grant na nagkakahalaga ₱3.67-billion.
Kabilang sa target nitong makamit sa loob ng limang taon ang makapag-recycle ng nasa 25,000 tonelada ng plastic at ma-reintegrate ito sa productive chains; makabuo ng hiwalay na collection systems para sa plastic waste for recycling ang 30 LGUs; pagsuporta sa sustainable production practices ng 6,000 Micro, Small, and Medium Enterprises at pagbuo ng 2,500 na mga bagong trabaho sa circular economy.
Mayroon namang 10 LGUs ang mapapasama sa pilot implementation ng programa kabilang ang Baguio City, Caloocan City, Quezon City, Pasig City, Puerto Princesa City sa Palawan, Metro Manila, Ormoc City sa Leyte, Davao City, Island Garden City of Samal sa Davao del Norte, at Siargao Islands. | ulat ni Merry Ann Bastasa