Siniguro ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan ng kanilang hanay sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mga biyaherong magsisiuwian sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa Semana Santa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Police Colonel Jean Fajardo na mayroon silang inisyal na 34,088 na PNP personnel na ipakakalat.
Sakali aniyang kailanganin ng karagdagang tauhan mayroon namang kapangyarihan ang PNP Regional Directors na gawin ito.
“For this Holy Week, mayroon tayong initial na deployment na nasa 34,088. At depende po iyan kung kakailanganin po nating dagdagan iyan, ang ating mga regional director ay mayroong authority na magdagdag.” -Col. Fajardo
Bukod dito, mayroon ring reserve stand by force and PNP na handang i-deploy sakaling kailanganin ng pagkakataon.
“In fact mayroon po tayong tinatawag na reserved stand by force, kung saan readily deployable ang mga police natin. At kung kinakailangan po, may sapat tayong bilang ng mga police na idi-deploy po.” -Col. Fajardo
Kaugnay nito, nagpaalala ang opisyal sa mga bibiyahe para sa Holy Week na manatiling alerto at iwasan na ang pagdadala ng maraming gamit, upang hindi na maabala. | ulat ni Racquel Bayan