Natutuyo na ang ilang bahagi ng Marikina River bunsod ng mainit na panahong nararanasan sa mga nakalipas na araw dulot ng El Niño Phenomenon.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, kapansin-pansing nakikita na ang pundasyon ng tulay sa bahagi ng Brgy. Sto. Niño kung saan makikita ang panukat sa lebel ng tubig sa ilog.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, maituturing na “unusual” o hindi pangkaraniwan ang pagbaba ng lebel ng tubig sa ilog Marikina.
Bagaman normal naman ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Marikina river tuwing mainit ang panahon subalit kakaiba aniya ang sitwasyon ngayon dahil sa may ibang bahagi ng ilog ang natutuyo na.
Nakikita na rin kasi rito ang mga bato at halaman na hindi karaniwang nakikita sa ilog sa mga normal na pagkakataon.
Sa datos ng Marikina City Rescue 161, nasa 13.5 meters lamang ang normal water level sa Marikina River subalit simula nang pumasok ang El Niño ay nagsimula na itong bumaba hanggang sa umabot sa 11 metro.
Gayunman, tiniyak ni Teodoro na sapat ang suplay ng tubig sa lungsod ngayong El Niño dahil sa kanilang integrated deepwell system at rainharvesting facilities
Una nang sinabi ni Teodoro na sasamantalahin nila ang panahon ng tag-init at El Niño para paigtingin ang ginagawang dredging activities sa ilog bilang paghahanda naman sa sandaling pumasok ang tag-ulan. | ulat ni Jaymark Dagala