Pansamantalang dito muna sa multi-purpose covered court ng Alabang Elementary School namamalagi ang ilang residenteng naapektuhan ng sunog sa Brgy. Alabang, Muntinlupa City.
Sa ngayon, patuloy ang pagdating ng mga nag-evacuate na mga residente dito sa eskwelahan at na nagpapalista sa mga kawani ng Barangay na nandito sa lugar.
May mga modular tents na ring naka-setup sa covered court at may mga hot meals na ring ipinamimigay sa mga evacuees.
Ayon sa pagtaya ni Barangay Chairman Christine “Tin-Tin” Abas nasa humigit-kumulang 300 pamilya ang naapektuhan ng sunod magmula sa mga komunidad ng Joaquin, Bautista, at Mariategue.
May dalawa pang eskwelahan na inihahanda dito sa Muntinlupa para magsilbing evacuation centers ng mga nasunugan.
Ayon sa ilang residente, nagsimula ang sunog dakong alas-4 ng madaling araw na agad namang nirespondehan ng mga kawani mula sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Bago mag-5:00 ng umaga ay agad namang itinaas sa unang alarma ang nasabing sunog at sa ikalawang alarma kaninang 7:22.
Idineklara naman ng fire out ang sunog bandang 9:42 ayon sa Muntinlupa City Department of Disaster Resilience and Management.
Agad namang ipinag-utos ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang agarang na pagpapadala ng tulong mula sa Pamahalaang Lungsod tulad ng hot meals at non-food items assistance mula sa Social Services Department.| ulat ni EJ Lazaro