Kinastigo ni Senador Raffy Tulfo ang mga suspendidong opisyal ng National Food Authority (NFA) na sangkot sa iligal na pagbebenta ng bigas sa mga trader.
Sa isang privilege speech, pinangalanan ni Tulfo ang mga lumulutang na pangalan ng NFA officials na sina Alwin Uy, Charles Alingod, Max Torda, isang ‘Navarro’, at si NFA Administrator Roderico Bioco.
Ayon sa senador, sa modus ng mga ito ay wala nang nangyayaring bidding at auction sa pagbebenta ng bigas.
Sila-sila lang rin aniya ang pumipili ng mga traders na gustong “mabiyayaan” matapos maghanap ng stocks na pwede nilang ibenta.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang naturang iligal na sistema ay pagsasayang ng stock ng NFA rice na sana ay maibibigay pa sa mga nangangailangang Pilipino.
Hinamon rin ni Tulfo si suspended NFA Administrator Bioco na humarap sa Senado at ulitin ang sinabi nito sa pagdinig sa Kamara na walang iregularidad sa pagbebenta nila ng bigas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion